Abalang abala ang kusina ng palasyo sa paghahanda ng pagkain ng mga nakatataas, almusal ang unang pagkain na kailangan nilang iahin sa Mahal na Hari, pati na sa Mahal na Reyna, Prinsepe at sa nagdadalang-taong Suk-Wuon. Ang Punong Tagapamahala sa Kusina na si Lady Jen-Ni Cruz ang namamahala sa pagkain ng Mahal na Hari at sa pitong taong gulang na Mahal na Prinsepe, samantalang ang Punong Tagapaglingkod naman ang namamahala sa mga pagkaing kakainin ng reyna lalo't higit ng suk-wuon, sapagkat sumeselan na ito sa pagkain.
"Lady Cruz nakahanda na ba ang pagkain ng Mahal na Hari't Prinsepe?" tanong ni Mada'am Ly sa Punong Tagapamahala na kasalukuyan naglalagay ng lason sa pagkain ng Prinsepe, ito ay ayon sa utos sa kanya ni Suk-Wuon Cruz na lagyan ng lasong pampahina ng resistensya at katawan ang bawat pagkaing kakainin ng Prinsepe. Kasama iyon sa plano ng Suk-Wuon na magapi ang Mahal na Reyna kasama ang anak nitong Prinsepe, sapagkat kapag walang potensyal ang anak nito na maging isang hari, sa sanggol na dinadala nito nakasalalay ang prinsepeng papalit kapag nagretiro na ang hari. Kaya gayon na lamang ang pagtutulungan ng Punong Tagapamahala at ng Suk-Wuon na parehong nagmula sa iisang angkan, Angkan ng mga Cruz.
"Isusunod ko na lamang Mada'am Ly ang mga pagkain kapag ito'y natapos ko nang lutuin" tugon ni Lady Cruz na may kahalong pagkagulat.
"Ngunit nagugutom na ang Mahal na Hari, bilisan mo na lamang diyan at kailangan nang makapag-almusal ng hari dahil mayroon siyang bisitang darating" pag-uutos ng Punong Tagapaglingkod.
"Opo, Mada'am" tugon ni Lady Cruz kasabay ng pagyuko. Pagtalikod ng Punong Tagapaglingkod ay nagpatuloy ito sa paglalagay ng lason sa pagkain ng prinsepe.
Nasa labas na ng tanggapan ng reyna si Mada'am Ly bitbit ang mga pagkaing kanyang inihanda para sa reyna. "Mahal na Reyna, nasa labas po ang Punong Tagapaglingkod" wika ng tagapaglingkod ng reyna.
"Papasukin mo siya" wika ng Mahal na Reyna. Pagkatapos magbigay pugay ni Mada'am Ly kay Reyna Bo ay isa isa na niyang inihain ang mga pagkaing kanyang inihanda. Gayon na lamang siya pinuri ng reyna sa sarap ng mga pagkaing niluto niya.
"Dapat ay ganito din kasasarap at kasusustansya ang mga pagkaing inyong inihahain kay Suk-Wuon Cruz, ngayon pa't nagdadalang-tao siya." wika ng reyna.
"Nagsaliksik po ako ng mga pagkaing nararapat kainin ng mga nagdadalang-tao kagaya ng suk-wuon" tugon ni Mada'am Ly na ikinatuwa ni Reyna Bo.
Samantalang sa labas ng tanggapan ng Suk-Wuon, nang ipaalam ng tagapaglingkod ng suk-wuon na ang punong tagapaglingkod ang magpapakain sa kanya, agad niya itong inayawan sapagkat ang nais niyang magpakain sakanya ay ang punong tagapamahala sa kusina.
"Ngunit sa aking responsibilidad po nakaatang ang paghahanda ng pagkaing inyo pong kakainin" katwiran ni Mada'am Ly sa maselang Suk-Wuon.
"Kung gayon, edi ipatawag mo na lamang ang punong tagapamahala sa kusina upang magpakain sa akin ng pagkaing inihanda mo, habang nakatayo ka diyan sa labas" gayon na lamang ang kalupitang pag-aasta sa kanya ng nagdadalang-taong suk-wuon.
Ilang minuto pa'y dumating na ang punong tagapamahala dala ang pagkain ng prinsepe. "Ipinatatawag niyo daw po ako, Mada'am" wika niya.
"Oo, ikaw ang gusto ng Suk-Wuon na magpakain sa kanya. Ako na lamang ang maghahain sa prinsepe ng mga pagkaing inihanda mo" tugon ni Mada'am Ly.
"Sige po, Mada'am" pagsang-ayon ni Lady Cruz, nang masilayang nakatalikod na ang punong tagapaglingkod ay palihim itong tumawa sapagkat ang nagaganap ay kasama sa plano nila ng suk-wuon.
Sa loob ng tanggapan ng Suk-Wuon ay tuwang-tuwa ang dalawa sa katagumpayan ng mga plano nila. Samantalang sa tanggapan ng prinsipe, amoy pa lamang ng pagkaing inihanda ng punong tagapamahala ay hindi na nagustuhan ng prinsepe, marahil sanhi ito ng lasong inilagay nito, kaya't hindi niya iyon nakain. Naghanda muli ng panibagong pagkain ang Punong Tagapaglingkod upang ipakain sa Mahal na Prinsepe Ches-Ter Ngan.
Tuesday, May 26, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment