Tuesday, May 26, 2009
KABANATA 1
Noong ika-5 siglo bago pa man dumating si Kristo ay mayroong isang palasyo na pinamumunuan ng isang malupit at mabagsik na hari, isang malawak na palasyong sa kalakihan ay alintana ang kasakiman at pagkamataas ng mga taong sa loob nito'y naninilbihan at namumuhay. Palasyong sa karangyaan at kagandaha'y hindi mo magagawang isipin, na ang hari ay isang matapobre, malupit at masamang tao. Ang palasyong ito ay ang Palasyo ng For-Ae, sa bayan ng Lee Se-Yo, sa bansa ng Mah Ma-Tid. Ang Palasyo ng For-Ae ay bukod tangi, naiiba sa lahat ng mga palasyong matatagpuan sa bayan ng Lee Se-Yo. Ito ang pinakamatandang palasyo na pinamumunuan ng isang hari, kasama ng kanyang reyna at ang kanilang mga anak na mga prinsepe't prinsesa. Sa kalakihan ng palasyo ay matatagpuan ang maraming mga lugar at tanggapan, bukod ang tanggapan ng hari, sa tanggapan ng reyna at mga prinsepe't prinsesa. Marami ring mga lugar kung saan matatagpuan ang mga naninilbihan, namamahala at naglilingkod sa palasyo. May lugar na kung tawagin ay Soo Rak-Gan o Kusina, dito matatagpuan ang mga babae na kung tawagin ay mga Tagapagluto na pinamumunuan ng isang babaing pinuno na kung tawagin ay Punong Tagapamahala sa Kusina. Sa kanilang responsibilidad nakaatang ang paghahanda ng mga pagkain ng mga Nakatataas, sila na sa araw araw ay nagluluto at naghahanda ng almusal hanggang hapunan na kakainin ng hari at ng kanyang pamilya. Ang Na Eeh-On o Gamutan, ay binubuo ng mga lalaking doktor na pinamumunuan ng isang lalaki na kung tawagin ay Punong Doktor, kasama ng mga babaing nars na pinamumunuan naman ng isang babaing tinatawag na Punong Nars. Sa lugar na ito pinamamahalaan ang kalusugan ng mga Nakatataas at mga tao sa loob ng palasyo. Marami ring mga lugar kagaya ng Imbakan, imbakan ng mga gulay, pampalasa, tubig at iba pa na kaakibat ng Soo Rak-Gan o Kusina. Tahian, na namamahala sa mga kasuotan ng mga Nakatataas at ng mga sa kanila'y naglilingkod. Mananayaw, ito ang lugar ng mga babae na kung tawagin ay Ki-Saeng, sila ang mga nagbibigay-aliw sa pamamagitan ng pagsasayaw sa mga mahahalagang okasyon at selebrasyon sa loob ng palasyo. Sila ay pinamumunuan ng pinakamatandang mananayaw na kung tawagin ay Punong Ki-Saeng o Punong Mananayaw. Ang mga mahahalagang lugar sa loob ng palasyo ay ang mga tinatawag na Kubon. Kubon ng mga Ministro, na pinamumunuan ng Punong Ministro. Kubon ng mga Taga-Usig na pinamumunuan ng Punong Taga-usig, Punong Kalihim naman ang namumuno sa Kubon ng mga Kalihim. Mayroon ding Kubon ng mga Kapitan, Guwardiya at Kawal. At ang pinakamataas na Tanggapan o Kubon, na may hawak ng pinakamahalagang responsibilidad sa loob ng palasyo, ay ang Kubon ng mga Tagapaglingkod. Dito matatagpuan ang mga tagapaglingkod na may mahalagang gawain sa mga tanggapan ng mga nakatataas. Sa bawat tanggapan, tanggapan ng hari, reyna, prinsepe't prinsesa, at mga pinuno ay mayroong tigitigisang tagapaglingkod na namamahala at kasa-kasama sa kanilang mga pangaraw-araw na gawain. Sila ay pinamumunuan ng pinakamataas na pinuno sa lahat ng mga pinunong naninilbihan sa loob ng palasyo. Sa lahat ng mga lalaking pinuno, Punong Ministro, Taga-usig, Kalihim, Doktor, Kapitan at iba pa, ang pinakanamumuno sa kanila ay ang Punong Yu-Neok (Yu-Neok ang tawag sa mga lalaking tagapaglingkod, na ang hari lamang ang kanilang dapat paglingkuran). Sa lahat naman ng mga babaing pinuno, Punong Tagpamahala sa Kusina, Mananahi, Nars, Ki-Saeng at iba pa, ang pinakanamumuno sa kanila ay ang Punong Tagapaglingkod (Babaing namumuno sa lahat ng mga tagapaglingkod sa palasyo, babaing nakataang ang lahat ng responsibilidad sa pamamahala at paglilingkod sa loob ng palasyo, sa kanya muna dumadaan ang mga pagkaing inihahanda sa kusina bago iahin at ipakain sa mga nakatataas, at higit sa lahat, sila ang mga babaing hindi maaaring umibig, magasawa at magkaanak, ipinanganak, mabubuhay, mananatili at mamamatay na birhen, at kapag sila'y lumabag, kamatayan ang magiging kapalit ng kanilang kapangahasan). Sila ang lahat ng tao, na may iba't ibang gampanin at tungkulin sa iba't ibang lugar, kubon at tanggapan sa loob ng palasyo, lalo't higit sa Palasyo ng For-Ae.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment