Maagang gumising si Rek-Sy upang maghanda ng pagkain. Habang ginagayat niya ang mga sangkap sa kanyang iniluluto ay hindi niya mapigilang maalala ang mga panahon noong siya'y bagong pasok pa lamang sa palasyo bilang tagapagluto, kasama niya ang kaibigang si Te-Yol at sabay silang nag-aral sa palasyo upang maging mga tagapagluto sa kusina. Doon nila nakilala ang babaing pamangkin ng Punong Tagapamahala sa Kusina noong mga panahong iyon, si Jen-Ni. Siya ay may angking pagka agresibo sa kanyang mga gawain, mapagmataas at mahilig ipagmalaki na isa siyang pamangkin ng Punong Tagapamahala. Madalas niyang ipangako na siya ay susunod sa yapak ng kanyang tiya, at magiging isa rin siyang Punong Tagapamahala balang araw.
Sa mga pagsusulit at paligsahan ay madalas manguna ang pangalan nina Te-Yol at Rek-Sy, lagi lamang pumapangatlo ang pangalan niya. Kaya higit na lamang ang pagkainggit ni Jen-Ni sa dalawang magkaibigan, lalo na sa mga araw na laging natatalo at nauunahan siya. Kaya gumawa at bumuo siya ng plano upang matalo niya at magapi ang isa man sa kanilang dalawa. Iyon ang bagay na ikinatatakot ni Rek-Sy na mangyari sa kanila.
Sa bawat paghalo niya ng sabaw na kanyang tinitimpla, hindi niya maisawang maalala ang kalupitan at kasakiman ni Jen-Ni, naalala niya kung papaanong lagyan nito ng pampaalat ang pagkaing inihahanda ng katabi niyang tagapagsanay upang matalo lamang nito iyon. Lahat ay kaya nitong gawin alang-alang sa ikatataas at ikapapahamak ng nakakalaban niya. Naalala niya tuloy noong mga panahong nangyari ang kinatatakutan niya, nakalaban niya si Jen-Ni noong nagsumbong ito sa kanyang tiya, tungkol sa lalaking nakita nito na kasama niya habang naglalakad sa may tabing ilog, agad na inakusahan siya ng Punong Tagapamahala na tumigil na sa pagsasanay sapagkat siya'y lumabag sa batas ng mga tagapaglingkod. Kitang kita niya kung papaanong nagtagumpay si Jen-Ni sa likod ng kanyang tiya. Doon natigil ang pagiging isang tagapagluto niya, umamin siya na totoong irog niya ang lalaking nakita ni Jen-Ni na kasama niya, taliwas sa turo ni Te-Yol na itanggi ang bagay na iyon upang makapagpatuloy siya sa pagsasanay ng pagluluto. Hindi niya kayang gawin iyon, dahil mahina ang loob niya, kaya't mas minabuti na lamang niyang magasawa kaysa sa magpatuloy na makasama pa sa pagluluto ang taong kinatakutan na niya, si Jen-Ni. May galit siyang naramdaman para dito sapagkat ito ang dahilan ng pagguho ng pangarap niyang maging isang tagapagluto kasama ng matalik na kaibigan. Ganon naman ang paghanga niya sa kaibigan, sa pagpapatuloy nito sa kabila ng kasamaan ni Jen-Ni. Malakas ang loob, magaling at matalino si Te-Yol, kaya napanatili niya ang pagiging tagapagsanay na mahusay at nangunguna sa lahat ng mga nagsasanay. Kaya noong nagretiro ang Punong Tagapaglingkod noong mga panahong iyon, siya ang piniling pumalit sa posisyong iyon ng pagiging isang Punong Tagapaglingkod, at ang hindi magpapatalong si Jen-Ni ang siyang naging Punong Tagapamahala sa kusina noong mamatay naman ang kanyang tiya. At siya ang namamahala sa kusina noong mga panahong iyon hanggang sa kasalukuyan.
Biglang pumasok sa isipan niya ang mungkahi ni Te-Yol na ipasok ang kanyang anak na babae upang maging tagapagsanay sa palasyo, ngunit ayaw niya itong magaya sa kanya. Takot siyang mapasakamay ito ng kasamaan at kasakiman sa loob ng kusina na sa ngayon ay pinamumunuan pa ng kanilang malupit na kaaway.
"Ina ang bango naman po ng niluluto niyong sinabawang isda.." nagulat siya ng marinig niya ang nagsalitang nasa tabi niya pala.
"Jo-Na gising ka na pala anak, paano mo nalamang sinabawang isda ang niluluto ko?" pagtatakang tanong niya sa anak.
"Sapagkat alam ko na po ina ang amoy ng isda kapag sinasabawan. Naamoy ko din po ang sampalok na inyong inilagay upang maging pampaasim ng sabaw.." eksplanasyon ng pitong taong gulang na batang babae.
"Ang galing mo naman anak, nalalaman mo ang mga sangkap ng pagkaing niluluto sa pamamagitan ng pag-amoy lamang" paghanga niya sa kanyang anak.
"Alam niyo po ba ina, gusto ko pong maging isang mahusay na tagapagluto, kapag wala po kayo tinutulungan ko po si ama na maghanda at magluto ng pagkain namin. Gusto ko pong maging isang tagapagluto sa palasyo at magpakain ng marami!" wika ng kanyang anak.
"Jo-Na kalimutan mo ang bagay na iyan, saan mo natutunan ang mga bagay tungkol sa mga tagapagluto sa palasyo?" tanong niya sa kanyang anak. Dahil ni minsan ay hindi niya binabanggit sa anak ang mga bagay tungkol sa kusina ng palasyo at ang mga tao dito.
"Ikinuwento po iyon sa akin ni kuya, noong minsang sinabi niya po sa akin ang mga pagkaing natitikman niya sa loob ng palasyo habang nagsasanay siya" sagot niya sa ina.
"Anak makinig ka, ang kusina sa palasyo ay lugar na hindi mo dapat matuklasan, ito ang lugar na puno ng kasakiman at pag-aagawan ng posisyon ang alam gawin ng mga taong namumuno sa lugar na ito. Huwag na huwag kang tatapak sa lugar na iyon, Jo-Na. Hindi ka magiging isang tagapagluto ng kusina ng palasyo" habilin ni Rek-Sy sa kanyang anak.
"Opo, ina" tugon ni Jo-Na sa kanyang ina na may pag-aalinlangan at pagtataka sa mga salitang binitawan ng kanyang ina tungkol sa lugar na gustong gusto niyang mapuntahan at makita.
Tuesday, May 26, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment