"Magbigay pugay sa Punong Tagapaglingkod!" sigaw ng kawal sa labas ng Kubon ng Tahian, na kaagad na pinagbigay alam ng tagapaglingkod ng Punong Sastre sa kanila.
"Mahal na Punong Sastre, nasa labas po ang Mahal na Punong Tagapaglingkod, ano po ang gagawin ko?" wika ng tagpaglingkod sa Punong Sastre na si Sastre We-Nah Na.
"Papasukin mo siya" nagtatakang wika ni Sastre Na na kaagad umalis sa kanyang kinauupuan upang doon maupo ang Punong Tagapaglingkod (Isang tradisyon na sa bawat tanggapan, ang pinakamataas ang dapat na nakaupo sa mataas na upuan, kahit na iyon ay sa iyo pang tanggapan). Pagkaupo ng Punong Tagapaglingkod ay kaagad na nagbigay pugay ang Punong Sastre sa pamamagitan ng pagyuko at pagluhod ng nakatungo sa harapan ng Punong Tagapaglingkod. Pagkatapos ay sinabi "Ano pong kailangan niyo sa inyong pagparito sa aking tanggapan?".
"Gusto kong makausap si Sastre Pis, Pinatatawag siya ng Mahal na Hari upang atasan ng mahalagang tungkulin" wika ng Punong Tagapaglingkod na si Mada'am Ly. Hindi na muling tumugon ang Punong Sastre na si Sastre Na at kaagad na pinatawag si Sastre Pis.
Natuwa si Sastre Pis sa kanyang nalaman na siya'y gustong makausap ng Punong Tagapaglingkod sapagkat magkikitang muli sila ng matalik na kaibigan. Pagpasok niya sa tanggapan ni Sastre Na kung saan naroroon at naghihintay sa kanya ang Punong Tagpaglingkod ay yumuko siya upang magbigay pugay, ngunit pinigilan siya at sinabihang huwag nang magbigay galang at kaagad siyang niyakap nito sa kasabikan, tuwang tuwa ang matalik na magkaibigan sa muli nilang pagkikita.
"Nabalitaan kong may nais daw na ipagawa sa akin ang Mahal na Hari?" pagbubukas ng usapan ni Sastre Pis sa kaibigan matapos ang mahaba nilang kumustahan.
"Nagdadalang-tao ang isa sa mga Suk-Wuon, at lumalaki na ang tiyan nito. Nais ng hari na tahian mo ito ng damit pang buntis" tugon ng Punong Tagapaglingkod.
Nag-usap ang magkaibigan sa plano nilang pagpunta ni Sastre Pis sa tanggapan ng hari upang pag-usapan ang gawaing nais nitong ipagawa sa kanya. Maraming bagay pa ang napag-usapan ng magkaibigan, mga bagay tungkol sa kalagayan ng kanilang pamumuhay. Natanong ni Mada'am Ly sa kaibigan ang kalagayan niya bilang isang ina sa kanyang mga anak sa kabila ng paninilbihan niya bilang mananahi ng palasyo. Isinalaysay naman ng sastre na ang kanyang panganay na anak na lalaki ay ipinasok niya sa loob palasyo upang magsanay na maging isang Yu-Neok o lalaking tagapaglingkod. Natuwa naman ang Punong Tagapaglingkod sa isinalaysay ng kanyang kaibigan.
"Kasama pala ang iyong panganay na anak sa mga batang lalaking sinasanay upang maging mga Yu-Neok, mabuti naman at dito mo din siya ipinasok upang manilbihan kasama mo, ngunit iba ang tungkuling kailangan niyang gampanan bilang isang lalaking tagapaglingkod ng hari" wika ni Mada'am Ly kay Sastre Pis.
"Alam ko, kaya nga ba ako nagpapasalamat at naging mga lalaki ang mga anak ko, at kung naging mga babae sila, hindi ko sila ipapasok dito upang maging tagapagluto sa kusina ng palasyo!" pagsisinungaling ni Sastre Pis sa pagsabing mga lalaki ang kanyang mga anak.
"Ang alam ko ay may anak kang isang babae, 'yung pangalawa mong anak. Bakit mo sinabing mga lalaki lang ang anak mo?" tanong ni Mada'am Ly.
"Wala akong anak na babae, paano mo naman nasabi 'yan?" pagtatago ni Sastre Pis sa anak niyang babae.
"Matalik kitang kaibigan, kaya alam ko ang mga bagay na meron ka at nangyayari sa'yo. Alam ko na ang pangalawa mong anak ay babae. Bakit hindi mo siya ipasok sa palasyo upang maging isang tagapagluto?" tanong ni Mada'am Ly sa kaibigan.
"Wala na akong anak na babae, namatay siya sa isang malubhang sakit noong sanggol pa siya. At kung buhay man siya ngayon, hinding hindi ko siya ipapasok sa palasyo upang maging isang tagapagluto" pagsisinungaling ni Sastre Pis sa kaibigan upang maitago ang anak niyang babae.
"Ngunit.. Wala akong nabalitaan na namatay ang iyong anak. Kaya mo ba nasasabi ang mga bagay na iyan ay dahil may galit ka pa rin sa kasalukuyang Punong Tagapamahala sa Kusina? Dahil siya ang dahilan ng pagpapatalsik sa iyo noong tayo'y nagsasanay pa lamang? Alam kong itinatago mo lamang ang iyong anak." Pagsususpetya ni Mada'am Ly kay Sastre Pis.
"Matagal ko nang kinalimutan ang galit ko kay Jen-Ni Cruz, kasalanan ko bang umibig kaya ako napatalsik bilang isang tagapagluto sa kusina? Kaya noong makita niya ako na may kasamang lalaki ay kaagad niya akong isinumbong sa tiya niya na noon ay Punong Tagapamahala sa Kusina. Wala na ang galit ko sa kanya sapagkat masaya na ako sa kalagayan ko ngayon, at masaya na rin siya dahil natupad na ang kagustuhan niya ngayon, ang maging isang Punong Tagapamahala sa Kusina." pagkukuwento ni Sastre Pis.
"Kung gayon ay bakit mo itinatago ang iyong anak upang maging isang tagapagluto sa palasyo?" Tanong ni Mada'am Ly.
"Dahil ayokong matulad sa akin ang anak ko, ayokong maranasan niya ang mga naranasan ko sa loob ng kusina. Hindi nararapat sakanya ang kasakiman sa kusina na ngayon ay pinamamalas ni Jen-Ni Cruz." pagtatapat ni Sastre Pis.
"Huwag mong sabihin iyan, hindi tayo basta basta magpapagapi kay Jen-Ni Cruz, hindi ko siya hahayaang magmataas at angkinin ang kusina. Punong Tagapamahala lamang siya at ako ang Punong Tagapaglingkod" paniniguro ni Mada'am Ly.
"Kilala ko ang Angkan ng mga Cruz, mga sakim sila sa kayaman at posisyon sa palasyo. Lalo na si Jen-Ni, alam kong lahat ay kaya niyang gawin makamit lamang ang gusto. Mag-ingat ka sa kanya Te-Yol.."
Tuesday, May 26, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment